Bodega ng bigas gumuho: 8 looters patay
MANILA, Philippines - Nagmistulang riot ang agawan ng pagkain matapos na ransakin ng mga nagugutom na residente ang bodega ng National Food Authority (NFA) kung saan namatay ang walong looters matapos gumuho at matabunan ng saku-sakong bigas sa bayan ng Alangalang, Leyte.
Ito’y sa gitna na rin ng pagkakaantala ng relief goods sa mga lugar na isolated bunga ng matinding epekto ng bagyong Yolanda.
Sa sketchy report na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insiÂdente sa pinakamalaking bodega ng NFA na nasa 15-20 kilometro ang layo mula sa Tacloban City noong Lunes ng gabi.
Nabatid na bigla na lamang nilusob ng mga residenteng naapektuhan sa delubyo ng pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ang nasaÂbing bodega ng bigas.
Sa ulat naman ni NFA Administrator Orlan Calayag, aabot sa 33,000 sako ng bigas sa bodega ang nataÂngay ng mga looter.
Nagkagulo ang mga tao na hindi mapigilang sumugod at pinasok ang bodega ng bigas at nagkanya-kaniyang buhat ng mga sako ng bigas.
Sa tindi ng kaguluhan kung saan nauwi sa stampede ay gumuho ang bodega ng bigas at natabunan ang walong looters na patuloy pang beneberipika ang mga pagkakakilanlan.
Samantala, marami ring survivors ang nasugatan sa nasabing agawan ng bigas sa naturang bodega.
Base sa tala, aabot sa 16,000 sako ng bigas ang nasira sa bodega ng NFA sa Visayas Region noong Nobyembre 8.
- Latest