2 kawani ng Globe Telecoms, kinidnap
MANILA, Philippines - Dalawang kawani ng Globe Telecoms ang dinukot ng mga armadong kalalakihan na pinaghihinalaang mga bandidong Abu Sayyaf Group sa Barangay Latih, bayan ng Patikul, Sulu noong Martes ng hapon.
Kinilala ni 2nd Marine Brigade Commander at Task Force Sulu Commander Col. Jose Johriel Cenabre ang mga binihag na sina Nasri Abubakar, 40, technician ng Globe na nakabase sa Zamboanga sa ilalim ng Quiter Company at Dennis Aloba, 30, installer.
Bandang alas-3:55 ng hapon nang maganap ang pagdukot sa dalawang biktima sa bisinidad ng Sitio Santol sa nasabing barangay.
Ang insidente ay ini-report sa detachment ng Philippine Marine ni Aquino Hadjula, kasamahan ng mga bihag matapos itong makatakas lulan ng motorsiklo habang pinapuputukan ng mga kidnaper.
Base sa salaysay ni Hadjula, ang mga biktima ay lulan ng motorsiklo patungo sa bayan ng Patikul nang harangin sa highway ng mga armadong bandido.
Walang nagawa ang dalawang bihag matapos tutukan ng baril at kaladkarin ng mga armadong kidnaper patungo sa direksyon ng pinagkukutaan sa kagubatan.
Gayon pa man, masuwerte namang nakaligtas si Hadjula bagaman pinaputukan ito ng mga kidnaper matapos nitong paharurutin ang motorsiklo.
Nagsasagawa na ng search and rescue operations ang pinagsanib na elemento ng militar at pulisya upang iligtas ang mga bihag.
- Latest