Bihag na Aussie pinalaya na ng Sayyaf
MANILA, Philippines - Matapos ang mahigit isang taong pagkakabihag, pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang kinidnap ng mga itong retiradong sundalong Australian sa fishing port ng Pagadian City, Zamboanga del Sur nitong Sabado ng madaling araw.
Batay sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 9 Director P/Chief Supt. Juanito Vaño Jr., sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., dakong ala-1:10 ng madaÂling-araw nang pakawalan ng mga kidnaper ang bihag na si Warren Richard Rodwell, 54-anyos.
Ayon kay Cerbo, si Rodwell ay nakitang pagal na pagal na naglalakad sa lugar ng sibilyang si Nathaniel Tampos na inihatid ito sa himpilan ng 903rd Maritime Police Station sa lugar bago itinurnover kay Supt. Julius Muñez, hepe ng Pagadian City Police.
Si Rodwell ay binihag ng mga bandidong Abu Sayyaf Group na pinamumunuan ni Commander Furuji Indama na nakabase sa Basilan noong Disyembre 5, 2011 sa Green Meadows SubÂdivision sa Ipil, Zamboanga Sibugay.
Ang nasabing Australian na malaki ang ipinangayaÂyat sa matagal na panahong pagkakabihag ay kasal sa Pinay na si Miraflor Gutang, isang guro at residente ng nasabing lugar. Gayunman, hindi naman maÂkumpirma ng mga awtoridad kung may kapalit na ransom ang pagpapalaya kay Rodwell matapos na una ng humingi ng $2M ang mga kidnaper kapalit ng kalayaan nito.
Ayon naman kay Army’s 1st Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Ricardo Rainier Cruz III, dakong alas-6:20 ng umaga ng ilipad ng US chopper si Rodwell sa Camp Navarro, Zamboanga City kung saan isinailalim ito sa medical checkup. Pansamantala namang ikinostudya muna sa US Joint Special Operations Task Force (USJSOTF) compound sa AFP Western Mindanao Command si Rodwell sa kahilingan na rin ng pamilya nito.
- Latest