Lola namatay na hawak ang financial aid
CEBU CITY, Philippines – Isang 70-anyos na babae na katatanggap pa lamang ng P4,000 financial assistance mula sa Cebu City government sa Barangay Guadalupe ang nasawi noong Sabado.
Si Candelaria Quijada ay nawalan ng malay-tao bago nasawi matapos makauwi mula sa distribution ng financial aid sa barangay hall.
Ayon kay Guadalupe Barangay Captain Michael Gacasan, si Quijada ay namatay habang nakaupo sa wheelchair na hawak pa ang malaking halaga na financial aid ng lokal na pamahalaan.
Nabatid na pinigilan na ng kanyang anak si Quijada na magtungo sa distribution center dahil sa maysakit na ito subalit nagpumilit pa.
Sa distribution center ay inuna si Quijada na mabigyan ng financial aid dahil sa naka-wheelchair ito pero di-na napakinabangan ng matanda ang malaking halaga para sa senior citizens. Freeman News Service
- Latest















