Provincial engineer utas sa tandem
KIDAPAWAN CITY, Philippines – Napatay ang provincial engineer ng Maguindanao makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins sa tindahan ng lechon manok sa gilid ng highway sa bayan ng Esperanza, Sultan Kudarat, kahapon ng umaga.
Limang bala ng baril sa likurang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Pendi Umal Abpet, 44, provincial engineer ng Maguindanao provincial government at nakatira sa Purok Katipunan sa Barangay Poblacion, Esperanza.
Ayon kay SPO1 Jose Gallano ng Esperanza PNP, nagmomotorsiklo ang biktima patungo sana sa kanyang opisina sa bayan ng Buluan nang magdesisyong huminto sa chicken lechon house.
Habang bumibili ng lechon manok ang biktima at kausap ang isang tambay sa tindahan ay biglang nilapitan at niratrat ng gunman.
Nagawa pang maisugod sa Tamondong District Hospital sa Poblacion, Esperanza ang biktima pero namatay din ito makalipas ang ilang minuto habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest

















