Ambush: 1 sundalo utas, 2 pa sugatan
MANILA, Philippines - Isang sundalo ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan makaraang tambangan ng tinatayang mahigit sa 10 armadong mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isang liblib na lugar sa Brgy. San Pedro, Albuera, Leyte nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si Private First Class Richard Abines at ang dalawang nasugatan na mabilis na isinugod sa military hospital para malapatan ng lunas ay sina Private First Class Jay Baysa Pinabacdao at Pfc Frederick Mar.
Sa ulat, sinabi ni Captain Gene Orense, Spokesman ng Army’s 8th Infantry Division (ID), naganap ang pananambang sa bisinidad ng Sitio Calingatnan, Brgy. San Pedro ng bayang ito bandang alas-4 ng hapon.
Nabatid na kasalukuyang lulan ng military truck ang 16 sundalo na pawang kasapi ng Army’s 78th Infantry division (ID) pabalik na sa kanilang himpilan galing sa isinasagawang ‘peace and development project’ sa mahihirap na komunidad ng Albuera ng mangyari ang pananambang.
Ayon sa opisyal pagdaan ng military truck ay agad ang mga itong pinaulanan ng bala ng mga rebeldeng nagkukubli sa masukal na bahagi ng nasabing lugar.
Nagsiatras naman ang mga rebelde matapos na gumanti ng putok ang tropang gobyerno.
Sa iba pang kaganapan, dalawa namang rebelde na inaalam pa ang mga pagkakakilanlan ang napatay matapos makasagupa ang tropa ng Army’s 83rd Infantry Battalion (IB) sa Brgy. Calatagan, Virac, Catanduanes bandang alas-9:50 ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Rodolfo Batang, Commanding Officer ng 83rd IB sa nasabing operasyon ay nakasamsam rin ng dalawang M16 rifles, isang M653 baby armalite at isang M15 rifle. Wala namang nasugatan sa tropa ng pamahalaan sa nasabing bakbakan.
- Latest