Brodkaster itinumba ng tandem
NUEVA ECIJA, Philippines - Isa na namang brodkaster ang napaslang matapos ratratin ng motorcycle-riding gunmen sa bahagi ng Barangay Aduas Norte sa Cabanatuan City, Nueva Ecija kahapon ng umaga. Tatlong bala ng cal. 45 pistol ang tumapos sa buhay ni Julius Ceazar Causo, 51, may-asawa, tubong Barangay Sibul, Talavera, Nueva Ecija at nangungupahan sa isang apartment sa Barangay Magsaysay Norte sa nasabing lungsod. Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa Good Samaritan Hospital ay kilala sa tawag na Kabayang Jaycee at tumatayong executive vice president ng Nueva Ecija Press Club. Ayon kay P/Supt. Eli Depra, hepe ng Cabanatuan City PNP, lumilitaw na patungo sa dwJJ radio station ang biktimang nakamotorsiklo matapos ihatid ang kanyang anak sa paaralan nang dikitan at pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins pagsapit sa kahabaan ng Flowerlane sa nasabing barangay.
Ayon sa opisyal, ang biktima ay isang hard-hitting brodkaster na madalas banatan ang mga kaso ng korapsiyon at katiwalian sa Nueva Ecija partikular na nasabing lungsod.
Naglaan naman ng P1-milyong pabuya ang Cesar Vergara Foundation para malutas ang krimen sa lalong madaling panahon.
Sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines, sakaling mapatunayang may kinalaman sa trabaho ang pamamaslang ay ika-5 mamamahayag na ang napatay nitong 2012 at pang-14 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
- Latest