Ama, ina kinatay ng anak
MANILA, Philippines - Kalunus-lunus na kamatayan ang sinapit ng mag-asawang matanda makaraang pagtatagain ng sariling anak na sinasabing sinapinan ng masamang espiritu sa isla na nasasakupan ng Zamboanga City kamakalawa.
Halos nagkaputul-putol ang katawan sa dami ng tinamong taga ng mga biktimang sina Dammang at Amura Ajihil na kapwa 60 at nakatira sa nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng Zamboanga City PNP na nakarating sa Camp Crame, naganap ang malagim na krimen sa tahanan ng pamilya Ajihil bandang alas-8:30 ng umaga.
Lumilitaw na nagkakape ang mag-asawa nang bigla na lamang daluhungin ng taga ng sarili nilang anak gamit ang bagong hasang itak sa hindi pa mabatid na kadahilanan.
Sunud-sunod na hataw ng taga ang ginawa ng suspek sa kaniyang mga magulang na siyang agarang ikinasawi ng dalawang matanda.
Bago ang insidente ay ilang araw na umanong tila may malalim na iniisip ang suspek na palaging walang kibo.
Ilang oras matapos ang krimen ay rumesponde naman ang mga operatiba ng pulisya na pinasusuko ang suspek subalit nagmatigas ito.
Dito na dinaluhong ng taga ng suspek ang arresting team kaya napilitang paputukan ng mga pulis ang papasugod na suspek kung saan agad na bumulagta.
- Latest