4 sundalo bulagta sa ambush
MANILA, Philippines - Apat na sundalo na miyembro ng Bayanihan team ang iniulat na napaslang habang dalawang iba pa ang nasugatan matapos na tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Ramon, Gandara, Western Samar kamakalawa ng gabi.
Pansamantalang hindi muna tinukoy ni Captain Gene Orense, spokesman ng Army’s 8th Infantry Division ang mga pangalan ng sundalo dahil kailangan pang impormahan ang kani-kanilang pamilya.
Naganap ang pananambang habang pauwi na ang tropa ng Army’s 43th Infantry Battalion mula sa pagsasagawa ng proyektong bayanihan sa komunidad.
Sa kabila ng sorpresang pag-atake ay gumanti ng putok ang mga sundalo kung saan tumagal ang bakbakan ng may 30-minuto na nauwi sa pagkamatay ng apat na sundalo.
Pinaniniwalaan namang nalagasan din ang mga rebelde base sa mga nakitang patak ng dugo sa dinaanan ng mga ito.
Kinondena naman ni Major Gen. Gerardo Layug, commander ng 8th ID ang insidente dahil ang mga sundalo ay tumutulong sa mga mahihirap na komunidad sa pamamagitan ng mga proyektong pambayanihan.
“I personally extend my deepest sympathies to the families and friends of those killed. They were killed while protecting the Filipino people and in pursuit of peace and development in the area,” ani Layug.
- Latest