TUGUEGARAO CITY – Tatlong estudyante ang iniulat na nasawi sa dalawang magkakahiwalay na insidente ng banggaan na kinasangkutan ng kanilang sinasakyang mga motorsiklo sa bayan ng Tumauini, Isabela at lungsod na ito kamakalawa.Kinilala ni Supt. Vicente Valdez, Chief Investigator ng Isabela Police ang mga nasawi sa banggaan sa Brgy. Uno, Tumauini na sina Andy Boy Fulgencio at Marvin Marquez, kapwa 16-anyos na high school student na residente sa nasabing lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon na angkas ni Fulgencio si Marquez at isa pang kaklase na si Jordan Gatan patungo sa paaralan nang umagaw ng linya ang mga kabataan at sumalpok sa kasalubong na rumaragasang close van na minamaneho ni Gaudencio Eugenio, 46 ng Angeles City, Pampanga.Tumilapon ng ilang metro ang mga biktima at siyang ikinamatay agad nina Fulgencio at Marquez samantalang nakikipagbuno naman kay kamatayan si Gatan sa pagamutan.Agad naman sumuko sa pulisya ang driver ng close van matapos ang insidente.
Samantala sa Tuguegarao City, patay naman si Romulo Darauay Jr.,18, isa ring estudyante na nakiangkas lamang sa motorsiklo ni Melanio Salazar, 21, matapos mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at sumalpok sa isang poste ng kuryente kamakalawa sa Brgy. Namambalan Norte sa nasabing lungsod.