MANILA, Philippines - Sugatan ang barangay chairman at driver nito matapos ratratin ng mga armadong kalalakihan ang sasakyan ng vice mayor sa bayan ng Tipo-Tipo, Basilan noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ni Army’s 104th Infantry Brigade Commander Col. Carlito Galvez, si Chairman Janggo Abdulmajid ng Brgy. Banah ay nagtamo ng tama ng bala sa ulo habang ang driver nitong si Ahmad Alun ay tinamaan sa kaliwang braso kung saan naisugod sa St. Peter Hospital.
Nilinaw naman ni Galvez na hindi nasugatan si Tipo-Tipo Vice Mayor Shuaib Marahil sa mga naunang ulat dahil hindi naman ito lulan sa sasakyan na ipinahiram lamang nito kay Chairman Abdulmajid.
Nabatid na ang mga biktima ay galing sa Lamitan City at papauwi na sa Poblacion nang tambangan bandang alas-5:10 ng hapon.
Pinaniniwalaan namang ang target ng pananambang ay ang bise alkalde kaugnay ng katatapos na pagsusumite ng certificates of candidacy (COC) ng mga kandidato kung saan reelectionist ang nasabing opisyal.