MANILA, Philippines - Matapos ang isang linggong pagkakabihag, pinalaya na ng mga kidnaper ang dinukot na may-ari ng gasolinahan at secretarya nito sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao kamakalawa.
Kinilala ni P/Senior Supt. Roque Alcantara ang mga pinalaya na sina Datuwata Cuan, 70; at sekretarya nitong tinukoy lamang sa pangalang Cristabelle.
Ang mag-amo ay dinukot sa gasoline station na pag-aari ni Cuan sa Libungan, North Cotabato noong Miyerkules ng Oktubre 3.
Sinabi ng opisyal na na-pressure ang mga kidnaper dahil sa pinaigting na operasyon ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar laban sa nasabing grupo.
Gayunman, hindi naman makumpirma ng opisyal kung may kapalit na ransom ang pagpapalaya sa mga biktima.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa opisyal ay tukoy na nila ang lima sa mga kidnaper pero tumanggi muna nitong tukuyin ang pagkakakilanlan habang patuloy ang hot pursuit operations.