Biyudo kinatay ng mag-utol
TUGUEGARAO CITY, Philippines – Pinaniniwalaang selos ang motibo matapos na walang awang paslangin ng mag-utol ang isang 34 anyos na magsasakang biyudo sa Brgy. Buyasan, San Mariano, Isabela kamakalawa. Kinilala ang biktima na si Nelson Antonio, residente ng nasabing lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon na kasalukuyang nagkakaroon ng umpukan sa lugar habang namamahinga ang biktima kasama ang ilang kadalagahan ng biglang sumulpot ang suspek na si Banduyan Aglugub at pagtatagain ito sa ulo. Nagawa pang makatakbo ng biktima kahit sugatan subali’t inararo naman ito ng saksak ng nakaabang na utol ng suspek na si Freddie Aglugub sa sagingan. Nagtamo ang biktima ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na siya nitong dagliang ikinamatay. Kasalukuyan ng tinutugis ng pulisya ang magkapatid na suspek na mabilis na tumakas.
- Latest
- Trending