Binatilyo, kinuyog ng rugby boys, utas
MANILA, Philippines - Nauwi sa bangungot ang pagtulog ng isang teenager sa isang bakanteng puwesto sa downtown matapos pagtulungang kuyugin na pinagpupukpok pa ng bato sa mukha ng isang grupo ng mga sigang kabataan na hinihinalang mga rugby boys sa Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa.
Batay sa ulat ni Bacolod City Police Women’s and Children’s Desk Chief, P/Chief Inspector Jovy Cabcaban, dead-on-the-spot sa insidente ang biktimang kinilalang si Michael Donesa, 13-anyos ng Hinigaran, Negros Occidental sa tinamong mga malalim na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa pahayag ng kaibigan ni Donesa na itinago sa pangalang Romnick, testigo sa krimen, niyaya umano niya ang biktima na matulog sa downtown sa kahabaan ng Bonifacio Street ng lungsod noong Miyerkules ng gabi.
Gayunman, bandang ala-1:30 ng madaling-araw kinabukasan ay nagulantang siya ng makita ang kaibigan na duguan may ilang dipa mula sa kaniyang kinaroroonan.
Iniyahag naman ng ilan pang mga testigo na isang grupo umano ng mga sigang kabataan ang pinagtulungang bugbugin si Donesa na hindi pa nakuntento ay pinagpupukpok pa ng bato sa mukha na siyang daglian nitong ikinamatay.
- Latest
- Trending