TAYABAS CITY, Quezon, Philippines - Dahil sa pakikipagkalas ng kasintahan, nawala sa sariling katinuan ang 28- anyos na binata at tuluyang winakasan ang buhay sa pamamagitan ng pagsaksak sa kanyang dibdib kamakalawa ng umaga sa Barangay Malaoa sa Tayabas City, Quezon. Ayon kay SPO1 Noel Manga, huling namataang buhay ang biktimang si Nilo Abas na naglalakad sa loob ng kanilang bahay at nagsasalita ng walang kausap. Napag-alamang may isang linggo na umanong nawawala sa katinuan ang biktima matapos na makipag-break ang girlfriend nito. Nakita na lamang ang biktima na duguang nakabulagta at hawak ang patalim na pinaniniwalaang itinarak nito sa kanyang dibdib at kinalaunan ay nalagutan ng hininga.