Ipinagkasundong pakasal, nag-suicide

MANILA, Philippines - Kusang nagpasalubong kay kamatayan ang 24-anyos na   Bumbay na sinasabing hindi matanggap ang desisyon ng kanyang mga magulang na ipakasal siya sa babaeng hindi niya gusto matapos itong magbigti sa kanilang tahanan sa Barangay Taculing, Bacolod City kamakalawa.

Sa ulat ng Bacolod City PNP na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Gurdep Singh ng Zircon Road, City Heights Subdivision.

Ang pagpapatiwakal ng biktima ay naganap, isang araw matapos silang magdaos ng pre-wedding party ng babaeng pakakasalan kasama ang kanilang mga kaibigan noong Huwebes ng gabi.

Base sa imbestigasyon ni SPO1 Jose Roy Militante, dakong alas-6:30 ng umaga kahapon nang madiskubreng nakabigti ang biktima sa kisame ng kanilang kusina.

Sinasabing si Singh ay ipinagkasundong ipakasal ng kanyang mga magulang bilang bahagi ng tradisyong Hindu sa babaeng napupusuan ng mga ito para sa kanilang anak na may iba namang sinisinta.

Show comments