BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Dalawang pulis ang nasugatan matapos magbarilan sa isang sabungan sa bayan ng Villaverde ng lalawigang ito, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga nasugatan na sina SPO1 Leonardo Tallod, miyembro ng Villaverde Police at SPO1 Christopher Humiwat, nakatalaga naman sa Civil Security Group ng Camp Crame at residente ng Kiangan, Ifugao. Sa insidente ay sugatan rin ang sibilyang si Jerald Soriano, residente sa lugar.
Base sa imbestigasyon, nitong Miyerkules ay nagresponde si Tallod sa Villaverde cockpit arena sa lugar matapos na makatanggap ng impormasyon sa kaguluhan sa sabungan.
Gayunman ng tangkain nitong umawat sa nagbabangayang grupo ay bigla na lamang itong pinaputukan ng baril ni Humiwat na tumama sa kaniyang tiyan. Binunot naman nito ang kaniyang barl at gumanti ng putok kay Humiwat na tinamaan naman sa braso
Narekober mula sa lugar ng insidente ang dalawang empty shell ng 9mm at dalawang basyo naman ng cal. 45 habang iniimbestigahan na ang dalawang pulis.