Sayyaf ambush: 4 patay
MANILA, Philippines - Tatlong CAFGU at isang sibilyang manggagawa ng Tumahubong Agrarian Reform Beneficiary Integrated Development Cooperative Inc (TARBIDC) ang nasawi habang anim pa ang nasugatan sa panibagong pananambang ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sumisip, Basilan nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Special Cafgu Active Auxiliary (SCAAs) Isan Pantasan, Alip Pantasan, Hanting Pantasan; pawang dead-on-the-spot habang binawian naman ng buhay sa pagamutan ang manggagawang si Amil Amirin.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa hospital sa Zamboanga City ang mga sugatang sina SCAAs Muktadil Asmawil, Husin Abdihol, Tantuli Pantasan at mga sibilyang sina Hasim Hasaro, Ahmad Nasap at isang hindi pa natukoy ang pangalan.
Ayon kay Army’s 1st Infantry Division (ID) Spokesman Captain Alberto Caber, bandang alas-5 ng hapon ng maganap ang pananambang sa mga biktima na lulan ng habal-habal sa Sitio Manicaan, Brgy. Sapah Bulak, Sumisip ng lalawigang ito.
Ang mga biktima ay galing sa Brgy. Tumahubong sa nasabing bayan pauwi sa kanilang tahanan ng ratratin ng mga bandidong Abu Sayyaf sa pamumuno nina Ahmad Aliman, Umair Wakil, Akbar Tampuri at Madi Umangkat kung saan ay walang dalang armas ang mga SCAA.
Sa tala umpisa noong Oktubre 2011 hanggang sa kasalukuyan ay umaabot na sa 16 katao ang nasawi sa serye ng pananambang ng mga bandido habang marami pa ang nasugatang manggagawa at SCAA na nagi-escort sa mga ito.
- Latest
- Trending