MANILA,Philippines - Matapos ang tatlong araw na pagkakabihag, nailigtas ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang kinidnap na negosyanteng Tsino na ikinasawi ng isang kidnaper habang sugatan naman ang isang pulis sa Surigao del Sur noong Lunes ng hapon.
Kinilala ang nasagip na mga biktima na sina Defeng Li, 43; at Liguang Yang, 48, kapwa naninirahan sa Barangay 2, San Francisco, Agusan del Sur na tubong Guangxi, China.
Ang dalawa ay dinukot ng mga armadong kalalakihan kasama si Jonah Lavinia sa kanilang tahanan noong Sabado ng gabi. Si Lavinia ay pinalaya ng mga kidnaper noong Lunes.
Sa ulat ni P/Supt. Martin Gamba, tagapagsalita ng Caraga PNP, nabatid na ang mga kidnaper ay nag-demand ng P1 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng dalawang biktima kung saan naibaba sa P200,000
Sa isinagawang payoff noong Lunes ng hapon sa bahagi ng Barangay Wakat, Barobo ay nasundan ng mga pulis ang may dala ng inisyal na P150,000 ransom kung saan nauwi sa shootout matapos matunugan ng mga kidnpper ang presensya ng mga pulis.
Nasawi sa shootout ang isa sa mga kidnaper na inaalam pa ang pagkakakilanlan habang nakatakas naman ang iba pa nitong kasamahan.
Samantala, sa panig ng pulisya ay nasugatan naman si SPO2 Vicente San Pablo ng Barobo PNP.
Napilitan naman ang mga kidnapper na abandonahin ang dalawang biktima sa bisinidad ng Brgy. Bocawe, Lianga, Surigao del Sur na nailigtas ng mga operatiba ng pulisya.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang P 150,000 ransom at ang cal.45 pistol mula sa napatay ba kidnaper.