43 deboto sugatan sa road mishap
MANILA, Philippines - Apatnapu’t tatlong deboto ng Our Lady of Peñafrancia ang iniulat na nasugatan makaraang tumumba ang sinasakyan pampasaherong bus na patungong Naga City sa Maharlika Highway, Barangay Mulay sa bayan ng Calauag, Quezon kahapon ng madaling araw.
Kasalukuyang bumabagtas ang Silver Star Bus (TYZ 921) ni Antonio Baultro nang tumagilid ito sa gitna ng highway dahil sa madulas na kalsada dulot ng pag-ulan
Nabatid na karamihan sa mga biktima ay nakatira sa San Pedro, Laguna at patungong Naga City, Camarines Sur para dumalo sa grand fluvial procession sa kapiyestahan ng Our Lady of Peñafrancia nang maganap ang sakuna.
Sinasabing nawalan ng kontrol sa manibela ang driver sa pakurbadang kalsada kaya tumagilid ang bus at matumba saka bumalandra pa sa gitna ng highway kung saan nagkabuhul-buhol ang trapiko.
Ayon sa pulisya, 55 ang sakay ng bus bukod sa driver kung saan sa 43 nasugatan ay apat ang nasa kritikal na kondisyon.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa St. Peter General Hospital ang 19 pasahero habang 22 pasyente sa Magsaysay Memorial Hospital sa Lopez, Quezon at 2 naman sa Holy Rosary Memorial Hospital.
Tugis naman ng pulisya ang drayber ng bus na sinasabing tumakas matapos ang sakuna.
- Latest
- Trending