2 drug courier dedo sa shootout

KIDAPAWAN CITY – Napatay ang dalawang lalaki na pinaniniwalaang drug courier matapos na makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bayan ng Kabacan, North Cotabato, kamakalawa ng gabi.

Hanggang sa kasalukuyan ay walang pagkakilanlan ang pulisya sa dalawang napatay, ayon sa hepe na si P/Supt. Leo Ajero.

Nabatid na unang bumulagta sa highway ng Barangay Kayaga ang backrider ng motorsiklo na nagtangkang mamaril sa mga pulis na nagmamando sa inilatag na checkpoint sa highway.

Namatay naman sa University of Southern Mindanao Hospital ang isa pang drug courier habang ginagamot.

Narekober ang anim na plastic sachet ng shabu, granada, at Magnum .357 na walang kaukulang papeles.   

Sa ulat ni Ajero, pinara ng kanyang mga tauhan sa highway ng Barangay Ma­labuaya ang magkaangkas na lalaki sa motorsiklo na walang plaka.

Sa halip na tumigil, namaril ang backrider kaya gumanti naman ang mga operatiba ng pulisya kung saan kapwa bumulagta.

Show comments