Manila, Philippines - Sinibak na sa puwesto ang dalawang miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng Cebu City PNP matapos makunan sa video footage na pinagtulungang gulpihin ang inarestong estudyante mula sa Papua New Guinea noong Linggo sa Barangay Banilad, Cebu City, Cebu. Kasalukuyang nasa Holding Unit ng Cebu City Police Office ang mga suspek na sina PO1 Philip James Tanza, 28; at PO2 Bradford Lavandero, 32, habang isinasailalim sa imbestigasyon. Noong Lunes ay kinasuhan ng resisting arrest ang nagulping si Bennidict Penini, 29, Information Technology student na inaresto dahil sa pagwawala.
Gayon pa man, gumamit ng dahas ang dalawang PNP-SWAT matapos na hampasin ng Armalite Rifle ay pinagsisipa pa ang biktima habang inaaresto. Samantala, magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Human Rights sa kaso ng dalawang pulis kaugnay ng paglabag sa karapatang pantao na gumamit ng sobrang puwersa sa paraan ng kanilang pag-aresto. Ikinatwiran naman ng dalawang pulis na napilitan lamang gamitan ang puwersa dahil ayaw paawat ng biktimang nagwawala kung saan isang taxi driver ang pinukpok nito ng bato.