Shootout: Killer ng utol ng vice mayor, patay

LEGAZPI CITY, Philippines - Isa sa tatlong kalalakihan na sinasa­bing bumaril at nakapatay kay Engr. Nelson Morales ang napaslang ng pulisya habang isa naman ang nasakote matapos makipagbarilan sa pulisya kamakalawa.

Idineklarang patay sa Josefina Belmonte Duran Memorial District Hospital si Christian Saysay, 25, ng Brgy. Molosbolso sa bayan ng Libon, Albay habang sumasailalim na sa tactical interrogation ang nadakmang suspek na si Roderick Saysay.

Samantala, tugis naman ng pulisya ang dalawa pang suspek na sina Gilbert Saysay at Wilfredo Sasota.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Rubem Sodsod, ang tatlo ay pangunahing suspek sa pamamaslang sa nasabing inhinyero sa Barangay Estancia sa bayan ng Malinao.

Nabatid na si Engr. Morales ay niratrat sa labas ng simbahan matapos dumalo sa binyagan kasama ang kanyang utol na si Vice Mayor Alice Morales na nakaligtas naman sa pamamaril.

Patuloy naman ang imbestigasyon para matukoy ang utak ng krimen. Ed Casulla

Show comments