MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P20 milyong halaga ng ari-arian ang nawasak matapos sunugin ng mga rebeldeng New People’s Army ang mga heavy equipments sa construction company sa bayan ng San Miguel, Surigao del Sur noong Martes ng gabi.
Bandang alas-10 ng gabi nang lusubin ng mga armadong rebelde ang Concepcion Basic Builder Incorporated (CBBI) sa Barangay Poblacion kung saan walang nagawa ang mga guwardiya at kawani.
Binuhusan ng gasolina ang dalawang dump truck, pay loader, backhoe, truck crane gayundin ang dalawang generator set, 2-welding machine, concrete vibrator at chainsaw saka sinilaban hanggang sa tuluyang hindi na mapakinabangan.
Nabatid na nagdalawang pangkat ang mga rebelde kung saan hinarass at sinabotahe ang construction company habang ang iba pa ay pumalibot naman sa labas ng bakuran.
Pinaniniwalaan may kaugnayan sa revolutionary tax na sinasabing tumangging magbigay ang may-ari ng construction company kaya isinagawa ang pananabotahe.