MANILA, Philippines - Dalawang pinaghihinalaang notoryus na holdaper ang napaslang sa shootout ng mga tumugis na operatiba ng pulisya matapos itong masukol sa Brgy. San Antonio, Biñan City, Laguna kamakalawa ng madaling araw.
Ayon kay Supt. Leonard Luna, Director ng Biñan City Police, bandang alas-3 ng madaling araw ng magpang-abot ang mga elemento ng pulisya at ang tatlong suspek sa nasabing lugar.
Gayunman sa halip na sumuko ay bumaba sa motorsiklo ang dalawang holdaper at pinaputukan ang mga operatiba ng pulisya na nauwi sa shootout.
Sa kasagsagan ng palitan ng putok ay tumimbuwang ang dalawang suspek na kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan habang nakatakas naman ang kasamahan ng mga itong driver ng motorsiklo.
Bago ito ay hinoldap ng mga suspek na magkakaangkas sa motorsiklo ang biktimang si Marcos Ocariza, 24 anyos ng Sta Rosa City habang naghihintay ng masasakyan dakong alas-2:10 ng madaling araw sa tapat ng isang eatery sa Manabat St., Brgy. San Antonio ng lungsod na natangayan ng isang Nokia cell phone, P7,000.00 cash, silver na kuwintas at relong Seiko.
Nasamsam mula sa bangkay ng dalawang suspek na positibong kinilala ng biktima ang isang cal 38 revolver, isang sumpak, 11 basyo ng bala ng cal 9 MM, mga bala ng 12 gauge shotgun, dalawang Nokia cell phone, silver na kuwintas, relo ng biktima at P 568.00 cash.