LPG explosion: 10 katao sugatan
MANILA, Philippines - Sampu katao kabilang ang apat na bata ang iniulat na nasugatan makaraang aksidenteng sumabog ang isang tangke ng Liquified Petroleum Gas (LPG) sa isang junkshop sa Cebu City nitong Huwebes ng hapon.
Base sa ulat ng Cebu City Police, naganap ang pagsabog ng LPG sa junkshop na pag-aari ng negosyanteng si Joel Ramos na matatagpuan sa Sitio Paglaum, Brgy. Calamba ng lungsod dakong alas- 3 ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Carlito Tampon, nasa kritikal na kondisyon sa tinamong 3rd degree burn; Christina Mangubat, 35; Junrey Douglas, Gwendolyn Montemayor, anak nitong si Alwina, 4; Kimberly Rama, 4, pinsan nitong si Bianca Rama, 7; Germinia Templor, 26 at anak nitong si Nico, 7 at Christina Sayong, 22 taong gulang.
Ang mga biktima ay kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Vicente Sotto Memorial Medical Center maliban kay Tampon na isinugod naman sa Cebu City Medical Center sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon, ang LPG tank ay dinala ni Tampon sa nasabing junkshop na tinanggalan nito ng regulator upang ipagbili nang bigla itong sumambulat na ikinasugat ng naturang mga biktima.Ayon sa mga awtoridad, posibleng ang sanhi ng pagsabog ay bunga ng init mula sa isang barbecue grill malapit sa naturang junkshop.
- Latest
- Trending