ZAMBALES, Philippines — Sa loob ng dalawang taong paunungkulan ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. ay patuloy na lumago ang mga pangunahing programa sa turismo, pangkalusugan, imprastraktura at pagtaas ng income revenue sa nabanggit na lalawigan.
Ito ang naging pahayag ni Governor Ebdane, Jr. sa kanyang mga kababayan na ginanap sa People’s Park sa bayan ng Iba kung saan partikular na sinabi nito ang pangunahing programa sa turismo.
Partikular na binanggit ni Ebdane ang mga bayan ng San Antonio at San Narciso na may magagandang beach resort na tanyag bilang surfing and skimboarding destination habang ang Uacon Cove sa bayan ng Candelaria at Subic Bay naman ang venue para sa international triathlon events, dragon boat racing at kayaking.
Samantala, sa serbisyong pangkalusugan ay may mga makabagong mobile hospital na kumpleto ng mga portable x-ray machines at mobile dental clinic na lumilibot sa mga liblib na barangay.
Ayon pa kay Ebdane, patuloy din ang pagsasaayos sa mga kalsada at tulay matapos manalasa ang bagyo.
Patuloy din aniya ang pagtaas ng koleksyon sa real property taxes noong Enero hanggang Hunyo 2012 na umangat ng 78.5% kumpara noong 2011.
Tumaas din ng 226.5% ang nakokolektang buwis mula sa sand, gravel at iba pang quarry products.
“Ang patuloy na pagtaas ng mga koleksyon ng buwis sa real property at industiyang pagmimina ay pagtupad sa ating hangarin na ang yaman ng Zambales ay magamit at mapakinabangan para sa kabutihan at kaunlaran ng bawat Zambaleño,” dagdag pa ng gobernador.