ISABELA, Philippines – Isa ang agarang nasawi habang labing-apat na iba pa ang nasugatan matapos araruhin ng pampasaherong bus ang mga nakikipaglibing sa gilid ng kalsada sa Barangay Sinsayon, Santiago City, Isabela kahapon ng umaga.
Nakilala ang nasawi na si Imelda Ramos, 49, na sinasabing pumailalim sa Dalin Bus Liner (BVA-652) matapos itong makaladkad habang nasa kritikal namang kalagayan ang asawa na si Geronimo Ramos, 51, na kapwa nakatira sa Barangay Suyong, Echague, Isabela.
Kabilang sa mga sugatan naman sina Rosalia Bino, 60; Rosel Rodrigo; Rochelle Diego, at si Benjamin Bino.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Victorino Valdez, nabatid na patungong Cagayan ang Dalin Bus Liner ni Jay Babas mula sa Maynila nang maabutan sa highway ang mga taong nakikipaglibing.
Gayon pa man sa pagkainip ay tinangka ng driver na lampasan sana ang mabagal na usad ng parada.
Huli na nang mapansin ni Babas ang kasalubong na RBT Tours Bus (BVJ-446) ni George Castillo ng Jones, Isabela.
Ang RBT bus ay may lulang 36 estudyante na dadalo sana sa seminar sa Nueva Vizcaya.
Sa pagkataranta ay kinaladkad ng Dalin bus ang motorsiklo ng mag-asawang Ramos na ikinamatay agad ng misis habang sugatan naman ang tatlong lulan ng traysikel na nahagip din ng bus.
Kasunod nito, sumalpok sa kasalubong na RBT bus ang Dali bus kung saan sugatan ang 7 estudyante na sakay nito. Victor Martin at Raymund Catindig