4-anyos nene bulagta sa ligaw na bala
MANILA, Philippines - Patay ang 4-anyos na batang babae habang nasugatan naman ang ama nito matapos tamaan ng ligaw na bala sa loob ng evacuation center kaugnay ng bakbakan ng mga sundalo at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao kamakalawa ng gabi.
Sa television interview, sinabi ni Bai Ali Indayla, Secretary General ng Kawagib sa Cotabato City, kinilala ang biktima na si Asmayra Usman na nagtamo ng tama ng bala sa tiyan habang sinugod naman sa ospital ang ama nitong si Arsad Mujahed, 33, tinamaan naman sa paa.
Ang pamilya Usman na kabilang sa 400 pamilya mula sa Brgy. Iganagampong sa bayan ng Datu Unsay ay lumikas patungong evacuation center dahil sa patuloy na sagupaan ng tropa ng militar at ng grupo ni Commander Ameril Umbra Kato.
Sa panayam, sinabi naman ni Army’s 6th Infantry Division (ID) Public Affairs Office Chief Col. Prudencio Asto na base sa imbestigasyon, nagmula sa grupo ni Kato ang bala ng 50 caliber machinegun ang tumama sa biktima.
Nabatid na aksidenteng tumama sa evacuation center ang bala habang tinatarget ang detachment ng militar na hina-harass ng grupo ni Kato habang patuloy naman ang defense mode ng militar laban sa paghahasik ng karahasan ng mga rebelde.
- Latest
- Trending