CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Napaslang ang mag-asawang negosyante matapos pagbabarilin ng mga di-kilalang kalalakihan na sinasabing mga holdaper sa bahagi ng Sitio Cogon, Barangay Buracan sa bayan ng Dimasalang, Masbate kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mag-asawang biktima na sina Rolly Manimog, 47; at Fe Manimog, 45, ng Sitio Masisi, Barangay G. Alino sa nabanggit na barangay.
Lumilitaw na papauwi na ang mag-asawang lulan ng motorsiklo mula sa Barangay Buenaflor nang harangin at ratratin ng mga armadong kalalakihan bandang alas-4 ng hapon.
Napag-alamang tinangay ang bag ng misis na naglalaman ng malaking pera at alahas bago nagsitakas ang mga armadong lalaki.
May posibilidad na inabangan ang mag-asawa na kalimitang dumaraan sa nasabing highway kaya isinagawa ang krimen.