Shootout sa party: ginang dedo

MANILA, Philippines - Nabahiran ng trahedya ang selebrasyon ng kaarawan at binyagan matapos magbarilan ang dalawang magkapitbahay na magkaaway na mortal na ikinasawi ng isang ginang habang dalawa pa ang nasugatan sa MH del Pilar, Jaro District, Iloilo City kahapon ng madaling araw. Kinilala Chief Inspector Gilbert Gorero, Police Precinct Commander ng Jaro District ang nasawing biktima na si Roselyn Calderon, idinekla­rang dead-on-arrival sa West Visayas State University Me­dical Center. Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa nasabi ring pagamutan ang dalawa pang sugatang biktima na sina Vivian Hermano at Donnie Espinosa. Base sa imbestigasyon, dakong ala-1 ng madaling araw magkasabay na ipinagdiriwang ng maglive-in partner na sina Calderon at live-in partner nitong si Herman Lo ang isang birthday party at binyagan naman sa kanilang kapitbahay na si Jesus Hermano. Dahilan sa lakas ng tugtugan ng karaoke ay nagkapikunan at nagkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa barilan. Arestado naman sina Lo at Hermano na kapwa nahaharap sa kasong kriminal.

Show comments