BACOLOD CITY, Philippines – Isang corporal ng Philippine Army’s 303rd Infantry Brigade sa Negros Occidental at kalaguyo nito na sinasabing kawani sa Negros Occidental provincial government ang naaktuhan ng Army sergeant na misis ng una na nag-check-in sa lodging house noong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ng Bombo Radyo-Bacolod, nagsampa ng kaukulang kasong kriminal sa Bacolod City PNP Office’s Women and Children’s Complaint Desk ang misis laban sa kanyang mister na kapwa niya sundalo.
Nabatid na sinimulang subaybayan ng misis ang kanyang mister noon pang Abril subalit noong Biyernes lamang nakumpirma na may kalaguyo ito matapos makatanggap ng impormasyon na nag-check-in ang mag-lover sa isang motel.
Kaagad naman humingi ng tulong sa pulisya ang sundalong misis para arestuhin ang kanyang mister at ang kalaguyo nito.
Animo’y pelikula ang labas ng motel kung saan pinanonood ng mga tao sa loob ng limang oras habang nakikipagnegosasyon ang pulisya sa magkalaguyo.
Nahikayat naman ang magkalaguyo na lumabas ng motel dahil na rin sa pakiusap ng mga magulang ng babae na sinasabing kasama ng sundalong mister.