BANGUED, Abra, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganin masibak sa tungkulin ang tatlong pulis-Abra matapos maharap sa summary dismissal proceedings dahil sa pagkakasangkot sa illegal logging.
Sina SPO1 Jerome Nelson, PO2 Gener Ortega at PO1 Feberick Talingdan ay kinasuhan ng grave misconduct dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705 (Forestry Code).
Napatunayan ng mga imbetigador na sina SPO1 Nelson at PO2 Ortega ay direktang may kaugnayan sa illegal logging habang si PO1 Talingdan ay namataang nagbababa ng ilang piraso ng narra lumber sa Campol furniture shop sa Barangay Bangbangar sa bayan ng Bangued.
Kasunod nito, ipinag-utos ni Cordillera police director Chief Supt. Benjamin Magalong sa lahat ng police directors sa anim na lalawigan sa nasabing rehiyon na mas pag-ibayuhin ang kampanya laban sa illegal logging.
Nauna ng kinasuhan ni Magalong ang alkalde sa bayan ng Mt. Province dahil sa pagkakasangkot nito sa illegal logging at inihahanda na uli ang isa pang kaso ng illegal logging sa isa pang mayor sa nasabing lalalwigan.