Kampo niratrat: Pulis dedo

MANILA, Philippines - Napaslang ang bagitong pulis matapos ratratin ng mga rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang patrol base ng elite force ng pulisya sa Brgy. Maitumaig, Datu Unsay, Maguindanao noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Army’s 6th Infantry Division (ID) Commander Col. Prudencio Asto ang nasawing biktima na si PO1 Randy Dumaguing, kasapi ng Special Action Force (SAF) ng PNP. Sa imbestigasyon, bandang alas-11:30 ng gabi nang sumalakay ang grupo ni Commander  Kato na nang-harass sa patrol base ng PNP-SAF sa nasabing lugar.

Sa kabila ng sorpresang pamamaril ng mga rebelde ay gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagbabantay sa patrol base.

Nagsiatras naman ang mga rebelde matapos na mamataan ang reinforcement troops ng 1st Mechanized Infantry Brigade ng Philippine Army na nakabase sa Datu Saudi Ampatuan.

Kaugnay nito, sinabi ni Asto na nanatiling nasa defense mode ang AFP sa posible pang paghahasik ng tero­rismo ng grupo ni Commander Kato.

Show comments