2 sundalong kinidnap, kinatay
MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng dalawang sundalong off-duty na kinidnap ng mga rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters matapos itong pagtatagain ng kris at pagbabarilin kamakalawa ng gabi sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao. Sa ulat ni Lt. Col Kit Teofilo, commanding officer ng Army’s 68th Infantry Battalion, ang bangkay ng mga biktimang sina Pfc. Dunhill Aragon at Pfc Henry Caunga ay nareko.ber sa kahabaan ng Isulan-Cotabato Highway sa nasabing bayan. “The face of one soldier was mangled beyond recognition before he was shot in the head. The other had torture marks all over his body including hack wounds. It was a horrible crime committed by heartless individuals,” ani Teofilo sa masaklap na sinapit ng kaniyang dalawang tauhan. Base sa imbestigasyon, lulan ng motorsiklo ang dalawa patungo sana sa Cotabato City para mag-withdraw ng pera nang harangin ng mga armadong grupo ni Commander Ameril Umbra Kato. Samantala, isa pang sundalo na kinilalang si Sgt. Sonny Estabillo ng Army’s 38th Infantry Battalion ang kasalukuyang pinaghahanap matapos na bihagin ng grupo ni Commander Kato. Sa ulat din ng Army’s 6th Infantry Division na dalawa pang bangkay ng hindi pa nakilalang lalaki ang natagpuan sa kahabaan ng Isulan-Cotabato Highway ilang oras matapos na madiskubre ang bangkay ng dalawang sundalo.
- Latest
- Trending
















