Bahay ng ex-mayor pinasabugan

MANILA, Philippines - Niyanig ng sunud-sunod na pagsabog ng mortar ang tahanan ng isang dating alkalde matapos puntiryahin ng hindi pa nakilalang mga armadong grupo sa Poblacion 1, Shariff Aguak, Maguindanao kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Col. Prudencio Asto, Chief ng Public Affairs Office ng Army’s 6th Infantry Divison, dakong alas-8:15 ng gabi nang maganap ang pagpapasabog ng mortar sa tahanan ni dating Datu Salibo Mayor Akmad Ampatuan.

Sa imbestigasyon, pumosisyon ng may ilang metro ang mga armadong suspek saka pinuntirya ang tahanan ng dating alkalde na mula sa angkan ng dating maimpluwensyang mga Ampatuan sa lalawigan.

Wala namang naiulat na nasugatan at nasawi sa insidente pero napinsala ang isang nakaparadang Toyota Hi Lux (LGJ 819 ). Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.

Show comments