BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Umabot sa P1.6M halaga ang tinangay ng riding-in-tandem matapos holdapin ang isang sasakyan ng bangko sa bisinidad ng bayang ito kamakalawa.
Ayon sa pulisya, kasalukuyang bumabagtas ang isang Mitsubishi Adventure van na pag-aari ng Producers Bank na nakabase sa Bambang ng lalawigang ito sa kahabaan ng national highway sa Brgy Buenavista, Bayombong nang bigla umanong may bumato sa nasabing sasakyan.
Dahil dito ay pansamantalang itinigil ni Rolando Agamata, 25, driver ang minamanehong van upang alamin sana ang tinamaan ng bato subalit bigla silang tinabihan ng riding-in-tandem na agad nagdeklara ng holdap.
Wala ring nagawa ang mga lulan ng van na sina Melanie Beltran, Branch Manager ng bangko; Jane Liquigan at Dondon Florez nang tutukan sila ng baril ng isa sa mga suspek at tinangay ang P1.6 M na halaga kabilang na ang mga cell phone ng mga biktima at personal na pera na nagkakahalaga naman ng P4,000.
Ang mga biktima ay patungo sana sa Rizal Commercial Banking Corp.-Solano Branch sa bayan ng Solano upang magdeposito nang matiktikan ng mga suspek.
Nagsasagawa na ng followup investigation ang mga awtoridad sa kasong ito.