8-anyos pinatay ng iskulmeyt

MANILA, Philippines - Isang 8-anyos na Grade 1 pupil ang nasawi matapos na pagpupukpukin ng malaking tipak na bato sa ulo ng isang 11-anyos nitong schoolmate sa loob ng kanilang eskuwelahan sa bayan ng Sara, Iloilo nitong Biyernes ng hapon.

Ayon kay Iloilo Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Gil Blando Lebin Jr., binawian ng buhay sa internal hemorrhage matapos isugod sa pagamutan ang biktimang kinilalang si Peter Chan Gelapan.

Inaresto naman at isinailalim sa kustodya ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek na itinago sa pangalang Ronron, Grade IV pupil.

Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Lebin na naganap ang insidente sa likuran ng CR sa loob ng Feraris Elementary School na pinapasukan ng mga bata sa Brgy. Feraris ng bayan ng Sara dakong alas-4:45 ng hapon.

Naglaro umano ng holen ang dalawang bata matapos ang kanilang klase kung saan napikon ang suspek matapos matalo ng biktima kaya kumuha ng malaking tipak na bato at pinukpok ito sa ulo.

Sa kabila ng natumba ang biktima ay hindi ito tinantanan ng suspek na pinagpupukpok muli ng maraming beses sa ulo.

Ang insidente ay nasaksihan ng isang batang mag-aaral rin sa eskuwelahan na agad humingi ng tulong kung saan bagaman nagawa pang isugod ang biktima sa pagamutan ay binawian ito ng buhay sanhi ng internal hemmorrhage.

Show comments