KIDAPAWAN CITY, Philippines - Nasawi noon din ang isang lider ng mga katutubong Lumad matapos itong brutal na paslangin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Arakan, North Cotabato kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Datu Libontos Ansabu ng Brgy. Ganatan sa bayang ito.
Sinabi ni 1st Lt. Tony Bulao, hepe ng Civil Military Operations ng Army’s 602nd Infantry Brigade, dakong alas-6 ng umaga ng pasukin ng mga armadong rebelde ang bahay ni Ansabu kung saan binugbog ito sa harapan ng kaniyang mga anak saka kinaladkad at pinagbabaril.
Lumilitaw sa imbestigasyon na niresbakan ng mga rebelde ang biktima na dati nilang kasapi sa loob ng mahabang panahon bago sumurender sa gobyerno noong dekada 90. Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang tropa ng militar laban sa grupo ng mga rebeldeng responsable sa insidente.