PMA dropout nanunog ng iskul

TUGUEGARAO CITY , Philippines– Rehas na bakal ang binagsakan ng 19-anyos na lalaki na sinasabing na-discharged sa Phililippine Military Academy (PMA) makarang arestuhin ng pulisya sa tangkang pagsusunog ng eskwelahan sa Barangay Libertad sa bayan ng Abulog, Cagayan kamakalawa.

Kinilala ni PO2 Christian Dumayas ang suspek na si Melvin Boado na pinaniniwalaang nawala sa katinuan.

Sa salaysay ng guro na si Susan Acosta ng Libertad National High School, naaktuhan niya ang suspek na sinilaban ang library room, stock room, gusali ng home economics at ang classroom ng 4th year high school.

Kaagad naman inalerto ni Acosta ang lokal na bumbero at ilang guwardiya ng nasabing paaralan kaya naman naapula ang pagkalat ng apoy.

Wala namang napaulat na nasaktan sa nasabing insidente.

Gayon pa man, sumasailalim na sa masusing imbestigasyon ang suspek kung saan sinisilip ang anggulong may kaugnayan ang naging kapalaran nito sa nabanggit na academy.

Show comments