LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-ina makaraang tangayin ng malakas na agos ng tubig-baha habang tumatawid sa ilog sa Sitio Oras, Barangay Ibayugan, Buhi sa Camarines Sur, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Kinilala ang mag-ina na sina Ludiche Permino, 25; at anak nitong si Jessami Permino, 8, kapwa nakatira sa Barangay Nayugan sa nabanggit na bayan.
Base sa ulat, tumatawid ang mag-ina sa Bugsukan River pauwi sa kanilang tahanan nang lamunin ng malakas na agos ng tubig-baha.
Matapos ang 4-oras ng search and rescue operations ay narekober ang bangkay ng mag-ina sa kalapit na barangay.
Nabatid na ang pagbaha sa nasabing bayan at iba pang lugar sa Bicolandia ay sanhi ng malakas na pagbuhos ng ulan sa mga nakalipas na araw.
Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang opisyal sa mga residenteng naninirahan sa mga landslide at flashflood prone areas na isagawa ang kaukulang pag-iingat ngayong panahon ng tag-ulan.