30 kalansay natagpuan sa mass grave ng NPA
QUEZON, Philippines – Tinatayang aabot sa 30 kalansay ng tao na pinaniniwalaang biktima ng pagmamalabis ng mga rebeldeng New People’s Army ang nahukay ng dalawang magsasaka sa kabundukan ng Sitio Irrigation, Barangay Pagsangahan sa bayan ng San Francisco, Quezon, ayon sa ulat.
Ayon kay PO2 Joel Razo Sanao, nag-report sa kanilang opisina ang dalawang magsasakang sina Herminio Dauba at Rommel Malinao kaugnay sa natagpuang mass grave.
Sinabi ng dalawang magsasaka na noon pang Abril 2012 nila natuklasan ang mga kalansay sa kabundukan habang sila ay nagsasaka subalit kamakalawa lamang nila ipinagbigay alam sa pulisya sa takot na likidahin din ng mga rebelde.
Sa pahayag naman ni Col. Eduardo M. Año, brigade commander ng 201st Brigade ng Phil. Army, ang mga kalansay ay may 24 taon na ang nakalipas kung saan ang naturang pagpaslang sa ilang miyembrong kasamahan ng New People’s Army at ilang sibilyan na pinaghihinalaang deep penetrating agents (DPA) ay napapaloob sa prosesong “Oplan Missing Link.”
Ang “Oplan Missing Link” ay isang anti-infiltration campaign na isinagawa noong 1985 ng mga miyembro ng CPP/NPA sa kanilang hanay kung saan nasa 46-katao ang nawawala kasama na ang ilang kabataan at mga babaeng buntis.
Dinala na sa Provincial Crime Laboratory sa Camp Nakar, Lucena City ang mga kalansay upang suriin. Tony Sandoval at Michelle Zoleta
- Latest
- Trending