Manila, Philippines - Umaabot sa 525 residente ang nagsilikas sa takot na maipit sa bakbakan sa pagitan ng tropa ng Philippine Army at ng New People’s Army (NPA) habang lima namang rebelde ang nasakote sa bayan ng Surallah, South Cotabato kamakalawa.
Kinilala ni Captain William Alfred Rodriguez, civil military operations officer ng Army’s 1002nd Infantry Brigade ang mga nasakoteng rebelde na sina Julius Amahado, sugatan; Genevic Sundo, Michelle Nuay Ligar, Aldrin Condiman at si Jonicel Panalisan.
Nakatanggap ng impormasyon ang tropa ng militar hinggil sa puwersahang pangingikil ng mga rebelde sa mga residente partikular na sa mahihirap na magsasaka.
Ayon kay Rodriguez, dakong alauna ng hapon nang makasagupa ng militar ang mga rebelde sa liblib na bahagi ng Barangay Colongolo.
Nagkaroon naman ng engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at ng mga rebelde na tumagal ng ilang minuto hanggang sa makorner ang lima sa mga kalaban na inabandona ng mga nagsitakas na kasamahan.
Nabatid na 70-80 % ng mga residente sa lugar ay mula sa hanay ng mga maralita at mga katutubo.
Samantala, bunga ng bakbakan ay napilitang magsilikas ang nasa 100 pamilya o kabuuang 525 residente sa takot na madamay.
Ang mga ito ay pansamantalang kinukupkop sa Colongolo National High School na nagsilbing evacuation site.