SAN PABLO CITY, Laguna, Philippines – Bilang tugon sa lumalalang kriminalidad sa bansa partikular na sa nasabing lungsod isinulong ng grupong People’s Power Governance o Good for Management Movement ang pangunahing programa para makatulong sa taumbayan sa pagbabago ng moralidad.
Ito ang pangunahing proyektong isinusulong ng pangunahing konsehal ng lungsod na si Angelo “Gel” Adriano ang tinagurian niyang People-Focused (People Power Governance) upang mas mapalawak ang partisipasyon ng mga mamamayan sa San Pablo City para sugpuin ng lumalalang kriminalidad.
Kasunod nito, hiniling ng iba’t-ibang sektor sa pulisya ang agarang pagresolba sa mga krimen upang mabawasan ang pangamba ng mga residente na naging mistulang sentro na ng kriminalidad ang nasabing lungsod.
“Sa pamamagitan ng pakikilahok sa pagtukoy, pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa at proyekto, mas mapagtutuunan ng pamahalaang-lungsod ang pangangailangan ng taumbayan sa halip na ang mga makasariling interes ng iilan na pinag-uugatan ng korapsyon, walang-bisang panunungkulan, political dynasties at lahat ng uri ng kriminalidad,” pahayag ng nabanggit na grupo.
“Desidido akong makipagtulungan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng Kilusang G4M at mga Tulong Center sa mga barangay upang makamit ang pagpapahalaga sa kagalingan ng lahat,” pahayag naman ni Adriano na nasa huling termino bilang konsehal at kilalang pilantropo at lider-panlipunan.