CEBU , Philippines - Magkatulong na pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu at ng Ramon Aboitiz Foundation,Inc. ang kampanya laban sa ipinagbabawal na droga sa inilunsad na programang “Just Say No!” kung saan itinaon sa selebrasyon ng International Day Against Drug Abuse.
Nilagdaan nina Cebu Governor Gwen Garcia at Father Ernesto Javier ng RAFI Board of Trustees ang Memorandum of Agreement kung saan ang implementasyon nito ay pangungunahan ng Cebu Provincial Anti-Drug Abuse Commission (CPADAC).
Ang naturang Komisyon ay itinatag sa pamamagitan ng Ordinansa Blg. 2011-14 na ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Cebu.
“Sa pamamagitan ng programang ito, nais naming ipakita na higit na magiging maunlad ang isang pamilya, isang barangay at ang buong komunidad kung hindi nila magiging problema ang drug abuse,” ani Gov. Garcia na tumatayong chairman ng CPADAC.
“Umaasa ako na ang ating kampanya laban sa illegal na droga ay higit na magpapasigla sa ekonomiya ng Cebu at makakatulong upang mapanatili ang reputasyon nito bilang pangunahin at pinakamayamang probinsya ng bansa,” dagdag pa ni Garcia.