Operator ng minahan sumuporta sa greening program
SANTA CRUZ, Zambales, Philippines – Tinatayang aabot sa 40,000 seedling ng iba’t-ibang uri ng puno ang ipinunla ng Benguet Corp Nickel Mines Inc. kaugnay sa National Greening Program sa bayan ng Santa Cruz, Zambales.
Ayon kay Marcelo Bolano, senior vice-president ng Benguet Corporation Inc., may-ari ng BNMI ang nasabing programa ay bilang suporta sa greening program 2012 na pinasimulan ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng DENR-EMB at DENR –MGB.
Katuwang ng BNMI sa tree planting program ang PNP-Special Action Force mula sa Maynila, Impala Security Group, lokal na opisyal ng bayan ng Sta. Cruz, kasama ang DENR-Community Environment Natural Resources Office (CENRO), Masinloc, Zambales, at DMCI na nagkaloob ng punla.
Una rito, inatasan ng DENR Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang BNMI na magtanim ng 500 tree seedlings kada ektarya sa loob ng 100 ektarya o katumbas ng 50,000 seedlings sa loob ng tatlong taon simula 2012.
Sa ngayon, umaabot na sa 79,232 seedlings ang naitanim ng BNMI kung saan madadagdagan pa ng 20,000 seedlings sa Agosto 12 sa pagdiriwang ng Benguet Corp.’s 109th anniversary.
Ayon pa kay Bolano, bagama’t patuloy ang usapin sa pagmimina sa bansa ang BNMI ay patuloy sa adbokasiya nito sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa mga programang pangkalikasan.
- Latest
- Trending