Manila, Philippines - Matapos ang ilang araw na pagkakabihag ng umano’y mahuling nagi-espiya sa katatapos na Moro Leader’s Assembly sa Darapanan, Sultan Kudarat, Maguindanao noong Sabado, pinalaya na ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang dalawang sundalo sa Cotabato City noong Huwebes.
Pormal na itinurn-over kay Brig. Gen. Jose Roa, pinuno ng Coordinating Committee on Cessation of Hostilities (CCCH) government panel ni Major Gen. Abdul Raheem bin Mohammad Yussuf, International Monitoring Team Head of Mission ang dalawang sundalo na kinilalang sina Sgt. Sammy Pasadilla ng Army’s 6th Infantry Division (ID) at Pfc Jamer Maulana ng Army’s 603rd Infantry Brigade Civil Military Operations.
Ang dalawang sundalo ay nauna ng napaulat na ilang araw ng nawawala sa kasagsagan ng nasabing okasyon ng MILF.
Sa website ng MILF, sinabi ng mga opisyal nito na ang dalawang sundalo ay naaktuhan umano nilang naniniktik sa isinagawang Moro Leaders Assembly noong nakalipas na Sabado kaya inaresto ito ng MILF security forces at dinala sa kanilang kuta sa Camp Daparanan.
Nang makunan naman ng pahayag si Army’s 6th Infantry Division (ID) Public Affairs Office Chief Col. Prudencio Asto, sinabi nito na nag-shortcut lamang umano ng daan si Pasadilla na lulan ng motorsiklo ng mapahalubilo ito sa motorcade ng mga Moro.
Samantalang ang isa pa na si Maulana ay nagsasagawa naman umano ng Civil Military Operations (CMO) sa komunidad ng mga Muslim.