MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng 42-anyos na mister matapos arestuhin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagbebenta ng pekeng gold bar sa bayan ng Palauig, Zambales. Pormal na kinasuhan ang suspek na si Domingo Salazar ng Barangay Salaza sa nasabing bayan. Nabatid na nagkakilala ang suspek at Rosalyn Belarga sa pamamagitan ng kanilang kaibigan kung saan nakumbinsi nito ang biktima na mag-invest sa bilihan ng bara ng ginto. Binigyan ng suspek si Belarga ng mga ginto na ipinasuri naman nito sa pawnshop at lumabas na tunay. Mabilis namang nagtiwala ang biktima kaya nagbigay ito ng P.1 milyon sa suspek kung saan muling nagbigay ng gold bar subalit lumitaw na peke. Dito na kinompronta ni Belarga ang suspek na sinasabing muling hinimok nito ang babae na magbigay ng P.5 milyon upang makuha ang tunay na gold bar. Lingid sa kaalaman ng suspek ay humingi ng tulong si Belarga sa NBI kaya inilatag ang entrapment operation.