Buntis binigti ng ka-live-in
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Natagpuang hubo’t hubad na nakagapos sa puno ng niyog ang 36-anyos na misis na tatlong buwang buntis na pinaniniwalaang hinalay muna bago pinaslang sa bayan ng Casiguran, Sorsogon, kamakalawa. Kinilala ang biktima na si Mila Echano na may palatandaang sinakal gamit ang alambre. Ayon kay P/Inspector Henry Red, hepe ng Casiguran PNP, bandang alas-11:40 ng tanghali nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa masukal na niyugan sa Barangay Boton. Nauna nang napaulat na nawawala ang biktima noon pang Linggo ng gabi (Hulyo 1) na inireport sa pulisya ng kaniyang live-in partner na si Rommel Mabitag. Gayon pa man, arestado si Mabitag na kasalukuyan nang isinasailalim sa masusing imbestigasyon dahil sa kakaibang ikinikilos nito at salu-salungat ang pahayag sa mga imbestigador.
- Latest
- Trending