6 bulagta, 22 sugatan sa atake ng Sayyaf
MANILA, Philippines - Muling naghasik ng terorismo ang mga bandidong Abu Sayyaf Group sa naganap na madugong pananambang kung saan anim-katao ang napatay habang 22 iba pa ang nasugatan sa bayan ng Sumisip, Basilan kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Col. Arthur Ang, Commander ng Task Force Basilan at Army’s104th Infantry Brigade, lumilitaw na responsable ang grupo ni Abu Sayyaf Sub Commander Radzmil Janatol sa pananambang laban sa apat na sasakyan kung saan lulan ang mga manggagawa ng Tumajubong Agrarian Reform Beneficiaries Integrated Development Cooperative (TARBIDC) habang ini-eskortan ng mga tauhan ng Special Cafgu Active Auxiliary.
Kinilala ang mga napatay na sibilyan na sina Dante Binondo, Larry Mangaran Sr., Bonifacio Estequia, Albert Parang, at si Loreto Jeneney Jr., habang ang napatay namang SCAA member ay si Larry Mangaran.
Samantala, sugatan naman sina Leo Pacure, Adjad Lidjaman, Padlio Felessimo, Roseller Timtim, Armando Polonio, Puguy Juanito, Rey Sundung, Elmer Limbin, Rogelio Mata Jr., Marlo Pungutan, Allan Pascua, Junie Aligay, Jolly Lipapa at ang dalawang SCAA member na sina Leo Pacue at Adjad Lidjaman.
Nabatid na patungo sa rubber plantation ang mga biktima nang tambangan ng mga armadong bandido pagsapit sa Basilan circumferential road sa Barangay Sapah Bulak sa nasabing bayan.
Nakipagpalitan naman ng putok ang mga SCAA escorts sa mga umaatakeng bandido na napilitang umatras sa bakbakan.
Naispatan din ang grupo ng wanted na si MILF rogue element sa pamumuno ni Commander Dan Laksaw Asnawi sa pinangyarihan ng ambush na umayuda sa kaalyadong Abu Sayyaf.
Ito ang ikalawang pag-atake ng lawless groups laban sa mga manggagawa ng rubber plantation dahil sa pagtanggi ng may-ari na magbigay ng revolutionary tax sa grupo ng mga bandido.
- Latest
- Trending